Pilipinas, haharapin ang mga panghihimasok ng China gamit ang mga sariling assets – Esperon

Inihayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na haharapin ng Pilipinas ang presensya ng China sa West Philippine Sea gamit ang mga sariling military assets ng bansa.

Sinabi ito ni Esperon matapos igiit ni Amabassador to Washington Babe Romualdez na hinihintay lamang ng US ang paghingi ng Pilipinas ng tulong sa gitna ng patuloy na panghihimasok ng Chinese vessels sa mga teritoryo ng bansa.

Iginiit ni Esperon na tutugunan nila ang problema sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng deployment ng patrol forces, Coast Guard, Bureau of Fisheries at military assets ng bansa.

Ipinunto naman ni Esperon na ang naging announcement noon ng kanyang counterpart na si White House National Security Adviser Jake Sullivan, ay may kinalaman sa Mutual Defense Treaty.

Anya, tutulong lamang ang US sa Pilipinas sakaling mapasabak sa giyera ang Pilipinas.

Sa ngayon ay sinabi ni Esperon na wala pa sa sitwasyon ang Pilipinas na mapapasabak ito sa isang shooting war laban sa Chinese forces na nagkalat sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Naniniwala rin si Esperon na hindi kaya ng US na paalisin ang Chinese vessels mula sa West Philippine Sea.

Leave a Reply

Your email address will not be published.