PNP Cauayan City, hindi umano nagkulang sa pagpapatupad ng mga covid-19 protocols

Hindi umano nagkulang ang Cauayan City Police Station sa pagpapatupad ng mga umiiral na protocols maging ang pagpapatrol sa lunsod ng Cauayan.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLT. Scarlette Topinio, ang tagapagsalita ng PNP Cauayan, full force pa rin aniya ang kapulisan sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa ilalim ng GCQ Bubble sa lunsod.

Aniya, mayroon pa ring mga nahuhuli na lumalabag sa curfew hours at liquor ban sa kabila ng pagpapaalala ng kapulisan at sa isinasagawang information dissemination araw-araw.

Iginiit pa ni PLT. Topinio na hindi nagluwag ang kapulisan dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang monitoring at sadyang may mga indibidwal umano na pasaway o ayaw sumunod sa mga umiiral na protocols.

Dagdag pa niya, mayroong mga nakatalaga na patrollers na umiikot sa kalunsuran at sa katunayan aniya makikita naman ang presensiya ng kapulisan sa mga border checkpoints.

Nagpasalamat naman si PLt. Topinio sa kooperasyon ng mga opisyal sa barangay na naglatag din ng kani-kanilang checkpoint upang makontrol ang mga pumapasok at lumalabas sa kanilang nasasakupan.

Muli naman siyang nagpaalala sa publiko na sumunod sa ipinapatupad na protocol sa lunsod para sa kapakanan ng nakararami sa gitna ng pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *