POGO ban – inihirit dahil sa umano’y “pattern of criminality”

Muling iginiit ni Manila 6th District Representative Benny Abante na panahon na upang tuluyang i-ban ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.

Ayon kay Abante, naging malinaw sa pagdinig ng House Committee on Games and Amusement na may “pattern” ng mga ilegal na aktibidad at krimen ang mga lisensyadong POGO.

Mismong mga opisyal na aniya ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang nagsabing may “pattern of criminality” sa mga POGO at hindi na uubra ang regulation lang.

Binigyang-diin ni Abante na dapat timbangin ang mga pahayag at ebidensyang ipinresinta ng law enforcement agencies dahil sila ang nakakaalam kung “feasible” o kakayanin bang i-regulate ang mga POGO.

Punto pa ng kongresista, sa pagpapahintulot na gawing legal ang operasyon ng mga POGO ay tila ikinukubli ang aktibidad ng mga kriminal.

Kinukutya umano ng mga operator ang batas at binibiktima ang mamamayan kaya marapat lang na sipain na sila palabas ng bansa.

Sa pagdinig ay kinumpirma ng kinatawan mula sa NBI International Operations Division na ginagamit umano ng POGO operators ang kanilang lisensya para sa money laundering, human trafficking, kidnapping, scam at murder.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *