Political provisions, malabo raw isingit sa period of amendments ng economic Cha-cha

Imposible ang pinalulutang na posibilidad ng mga miyembro na Makabayan Bloc na maisisingit pa ang amiyenda sa political provisions ng 1987 Constitution.

Ito ang ginarantiya ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin bago isalang sa second reading ang Resolution of Both Houses Number 7 sa susunod na linggo kung saan papasok ang “period of interpellation” at “period of amendments”.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Garin na nakausap niya ang halos lahat ng kongresista na sumusuporta sa economic Charter Change at tiniyak nilang limitado lamang ito sa economic provisions.

Maaari aniyang mayroong magdagdag ng proposed amendments pero sa usapin ng ekonomiya tulad ni Cagayan De Oro City Representative Rufus Rodriguez.

Siniguro rin ni Garin na hindi maglolokohan sa plenaryo ang mga mambabatas at ang masusunod ay ang boses ng taumbayan at mga miyembro ng Kongreso kaya walang dapat ikatakot.

Dagdag pa ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, sa deliberasyon pa lang sa Committee of the Whole ay malinaw na ang limitasyon dahil ang mga inimbitahang resource speakers ay eksperto sa ekonomiya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *