Posibleng pagtaas sa alert level 4 ng Bulkang Mayon, pinaghahandaan ng DOH Bicol

LEGAZPIC CITY – Pinaghahandaan na ng Department of Health (DOH) Bicol ang posibleng pagtaas sa alert level 4 status ng Bulkang Mayon.

Sa update na ibinigay ng ahensya, nagpulong na ang kanilang response team upang paghandaan ang pagtaas ng alert level status ng bulkan.

Ito rin umano ay upang makamit ng lalawigan ang zero casualty secondary to trauma, zero maternal death, at zero epidemic.

Ayon kay DOH Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera, isa sa mga napag-usapan sa nasabing pagpupulong ay ang pag-monitor ng mga aktibidad sa loob ng mga evacuation center, paglalagay ng mga coordination unit para sa health assistance, at paghimok sa mga stakeholders na suportahan ang health response team.

Samantala, patuloy naman na isinasagawa ang pagbabakuna, distribusyon ng health commodities, disease monitoring at surveillance, pati na rin ang mga aktibidad sa mental health, nutrisyon at kalusugan, lalo na ang psychosocial support para sa mga bakwit.

Sinabi pa ni Vera na isa rin sa kanilang mga ipinag-utos ay ang posibleng pag-deploy nghealth care workers sa evacuation centers mula sa mga ospital, kung sakali mang itaas sa alert level 4 ang bulkan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *