Power interruptions sa Palawan, pinasisiyasat ng liderato ng Kamara

Pinaiimbestigahan ni House Speaker Martin Romualdez ang umano’y nangyayaring krisis sa kuryente sa Palawan upang tulungan ang mga residente at tugunan ang sinasabing mataas na singil sa probinsya.

Batay sa House Resolution Number 1544 na inihain nina Romualdez at Palawan Representatives Jose Alvarez at Edgardo Salvame, inaatasan ang Committee on Energy na magkasa ng inquiry in aid of legislation hinggil sa sitwasyon ng Palawan Electric Cooperative.

Iginiit ng House leader na responsibilidad ng estado na tiyakin ang maaasahan, ligtas at abot-kayang sources ng kuryente.

Kailangan na aniya ng Congress intervention sa nangyayari sa Palawan dulot ng mataas na singil sa kuryente, mababang energization levels at palpak na power distribution.

Punto ni Romualdez, ang sitwasyon sa lalawigan ay sumasalungat sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na makamit ang 95 percent energization targets sa buong bansa sa taong 2025.

Base sa mga ulat, nagsimula umanong tumaas ang singil sa kuryente sa Palawan noong Nobyembre nang makipagkasundo ang PALECO sa Emergency Power Supply Agreement sa Delta P, Inc. bunsod ng utos ng Energy Regulatory Commission na itigil na ang PSA alinsunod sa ruling ng Korte Suprema.

Ang EPSA ay may non-extendable life na isang taon at nakatakdang mag-expire ngayong Oktubre at hindi entitled sa anumang subsidiya kaya ito ang ginamit na dahilan ng electric cooperative sa pagtataas ng singil ng kuryente.

Pagtitiyak pa ni Romualdez, gagawin ng Kamara ang lahat upang tulungan ang kooperatiba sa sitwasyon nito na sa kasalukuyan ay may pinakamababang collection efficiency at pinakamataas na non-momentary power interruptions sa buong Region 4-B sa second quarter ng 2023.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *