Pres. Bongbong Marcos, sinang-ayunan ang ibibigay na tulong ng DOLE Bicol sa mga pamilyang apektado ng Bulkang Mayon

LEGAZPI CITY — Personal na bumisita si Pangulong Bongbong Marcos sa evacuation center sa bayan ng Guinobatan, Albay upang tingnan ang kasalukuyang sitwasyon ng mga bakwit matapos ilikas dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Matapos nito, agad na nagsagawa ng press briefing, kung saan ang Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol ay naglatag na ng kanilang plano.

Aabutin pa kasi ng 45 hanggang 90 araw ang mga ito sa evacuation centers at halos lahat ng mga pinagkakakitaan at kabuhayan ng mga residente ay apektado.

Sa press briefing kagabi sa Legazpi City kasama ang pangulo, inihayag ni DOLE Bicol Regional Director Zenaida Campita na isa sa bawat pamilyang nasa evacuation centers ay magiging benepisyaryo ng TUPAD program.

Sila ay magtatrabaho sa loob lamang ng bisinidad ng evacuation centers at ilan sa kanilang mga gagawin ay ang pagtatanim, kung saan gagamitin ang mga binhi na mula sa Department of Agriculture.

Maliban dito, itatalaga rin sila sa maintenance ng mga pasilidad, housekeeping, at tutulong din sila sa paghahanda ng mga pagkain.

Ayon kay Campita, ito ay upang matulungan silang kumita habang nasa evacuation centers at upang hindi sila mainip.

Binigyang-diin naman niya na ang kanilang pagtatrabaho sa ilalim ng nasabing programa ay tatagal lamang ng 30 araw.

Aabot naman sa PHP10,950 ang sasahurin ng bawat benepisyaryo. Samantala, umabot naman sa 4,286 ang kabuuang bilang ng mga pamilyang lubos na apektado ng pag-aalburoto ng bulkan, at ani Campita, mag-uusap din sila ng DSWD upang magkasunuran ang kanilang asistensya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *