Pres. Marcos, nais ipatawag ang ilang NGOs upang tutukan ang mga batang nasa evacuation centers

LEGAZPI CITY — Sa pagbisita ni Pangulong Marcos kahapon sa evacuation centers sa bayan ng Guinobatan, kanya umano nakita na marami sa mha evacuees ay mga bata.

Inihayag niya na hindi dapat na manatili ang mga bata sa evacuation centers nang ganoon katagal at walang ginagawa.

Aniya, dapat na mayroon silang mga aktibidad na nilalahukan o kinaaabalahan habang nananatili sa nasabing pasilidad.

Dahil dito, nais niya umanong makausap at ipatawag ang ilang Non-Government Organizations sa lalawigan na nakapokus sa pag-aalaga at pagtuturo sa mga bata.

Posible kasing abutin pa hanggang tatlong buwan ang pananatili ng mga ito sa evacuation ay hindi maaaring matengga lalo na ang mga bata nang walang kinakaabalahan.

Layunin umano nito na kahit sila ay nananatili sa loob ng mga pasilidad ay mayroon silang mga bagong bagay na natututunan, at upang makatulong din sa kanilang mental health.

Samantala, aminado naman ang Department of Education na apektado ang pag-aaral ng mga bata, kung kaya’t kagabi rin sa press briefing ay inihayag ng tanggapan na gagawin nila ang modular at blended learning modality upang hindi sila matigil sa pag-aaral.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *