Preso na tumakas sa Masbate Provincial Jail nahuli na

SORSOGON CITY – Nahuli na ng Recovery Team sa Brgy Kinamaligan, Masbate City ang isang presong nakatakas sa Masbate Provincial Jail.

Ayon sa Recovery report ng OIC Provincial Warden na si Arnel Quidato Sr., nahuli ang puganteng si Raffy Camoṅes Gostoer, 31-anyos dakong alas 11:00 ng gabi noong Huwebes, Enero 20 sa nasabing barangay.

Si Gostoer ay pumuga dakong alas 2:00 ng umaga noon Enero 16 sa pamamagitan ng pag-akyat sa perimeter fence sa likod na bahagi ng pasilidad.

Ito ay may kasong rape na may relasyon sa RA 7610 o Child Abuse sa bayan ng Uson, Masbate. Naaresto ito ng Uson Police noong buwan ng Agosto 2013, kung saan ang akusado ay 22-anyos lamang.

Dahil sa mahigit na 8 taon na ito sa piitan, naging trustee o katiwala na ito ng mga jail guards.

Ang pagkahuli sa pugante ay resulta ng walang humpay at malawakang manhunt operations na iniutos ni Quidato sa recovery team na pinangunahan ni PG3 Nestro Bacolod kasama ang limang Jail Guards.

Ang matagumpay na operasyon ay naging posible din sa tulong ng mga residente ng karatig na barangay ng Cagba at Matungao.

Balik-kulungan na ang nasabing pugante.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *