Presyo ng karamihan sa school supplies ngayong taon tumaas ayon sa  DTI

CAMARINES NORTE – Tumaas ang presyo ng karamihan sa school supplies ngayong taon kumpara noong nakaraang taon ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ito ang inihayag ni  Marian Ibasco Mendoza , Information Officer- Designate ng DTI Camarines Norte Provincial Office sa naging panayam ng Brigada News FM Daet ilang araw bago ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa August 29.

Kabilang sa mga tumaas ang presyo ay ang mga notebook. Kumpara noong 2022 tumaas ng nasa 15 to 53 % ang presyo ng writing and composition notebooks.

Noong nakaraang taon naglalaro sa P20 hanggang P44 ang Suggested Retail Price ng writing and composition notebook, ngayon ay naglalaro na ito sa P23 hanggang P52.

Tumaas din ang presyo ng lapis na mula sa P11 hanggang P17 noong nakaraang taon, ngayon ay naglalaro sa P18 hanggang P33, ballpen na nagkakahalaga ng P9. 25 hanggang P19.

Ang pad papers naman mula Grade 1 hanggang Grade 4 ay naglalaro sa P21 hanggang P28, at intermediate pad na P31 hanggang P48. 75.

Ang crayons ay nagkakahalaga ng P12- P34 para sa 8 colors habang P34 hanggang P95 naman sa 24 colors.

Mula P4. 50 hanggang P20 ang presyo ng eraser depende sa laki habang P18 hanggang P69 naman sa sharpener depende rin kung isa o dalawang butas.

Ang standard ruler naman na 12 inches ay naglalaro sa P22 hanggang P27. 75.

Ayon kay Mendoza hanggang 20 % sa SRP ang maximum na pwedeng itaas ang presyo.

Ito na rin umano ang magiging presyo ng mga school supplies hanggang sa pagbubukas ng klase at wala nang inaasahang pagtaas pa.

Kaya rin aniya nagpalabas ng SRP ang DTI ay upang masiguro na walang magsasamantalang negosyante.

Nagpaalala rin ang ahensiya sa mga magulang na maging matalino sa pagbili ng mga produkto dahil may paraan din naman para makabawas pa rin sa presyo ng mga bibilhing school supplies sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *