Price ceiling sa mga bigas, hindi pa naipapatupad ng karamihan sa mga rice retailers sa Legazpi City Public Market

LEGAZPI CITY – Nagsimula na noong Martes, Setyembre 5 ang pagpapatupad ng price ceiling o price cap sa mga bigas alinsunod sa inilabas na Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. o ang Imposition of Mandated Price Ceiling on Rice.

Subalit, hindi naman lahat ng mga rice retailers ay agarang nakapagpatupad o sumunod sa nasabing kautusan.

Sa paglilibot-libot kasi ng Brigada News FM Legazpi sa Legazpi City Public Market, isang araw matapos ang pagpapatupad nito, nakita na karamihan sa mga rice retailers ay hindi pa nagpatupad ng price cap.

Sa loob ng merkado, mayroon pa rin kasing mga presyo na lumagpas sa PHP45 kada kilo, kahit pa ang mga ito’y regular at well-milled rice.

Pinanatili muna ng karamihan sa presyong PHP50 pataas kada kilo ang nasabing mga bigas.

Maliban dito, mayroon din sanang nasa PHP41 kada kilo, subalit napakamapula na ang kulay ng mga ito at ayon nga sa ilang mga nagtitinda, halos parang pagkain na ito ng mga hayop, dahil kahit sila man ay hindi na bibili nito.

Nakapaghanda rin kasi ang ilan sa retailers at naglagay sila ng bagong mga price tag sa mga bigas dahil nabahala sila sa mga magmo-monitor na galing sa DTI.

Bago pa mag-umpisa ang price ceiling, una na ring sinabi ng ilan sa mga retailers na kung maaari ay mabigyan sila kahit isang linggong palugit para makapag-adjust dahil marami pa umano silang stocks ng bigas na kailangan maubos upang hindi masayang.

Samantala, kung maaalala, sinabi ng DTI Bicol na ang gobyerno ay nakahandang magbigay ng tulong para sa mga rice retailers na siya naman din nilang hinihintay sa ngayon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *