Primewater hindi muna hihirit ng tariff increase sa singil sa tubig habang may kinakaharap pang ligal na usapin sa korte

CAMARINES NORTE – Inihayag ng pamunuan ng Primewater Camarines Norte na hindi na muna ito hihirit ng tariff increase sa singil sa tubig habang may kinakaharap pang legal na usapin sa korte.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Primewater Branch Manager Engr. Johnson Chan na hinihintay pa nila ang magiging resulta ng legal na usapin sa Regional Trial Court at sa Court of Appeals.

Matatandaan na pinigil ng korte ang implementasyon ng 20 % water rate increase na sinimulang ipatupad noong Hunyo 2022.

Ito ay makaraang dumulog sa korte at maghain ng reklamo noong nakaraang taon ang Provincial Government at Consumer Group para labanan ang  dagdag na singil sa taripa sa tubig na bukod sa pabigat umano sa mga kunsomidores ay hindi naman maganda ang serbisyo ng Primewater.

Aminado si Chan na may epekto sa kumpanya ang injunction ng korte.

Dati nang iginigiit ng kumpanya na ligal ang 20 % tariff increase dahil dumaan ito sa proseso at nakapaloob sa Joint Venture Agreement na pinasok nito at ng Camarines Norte Water District noong 2016.

Samantala, nanawagan naman si Chan sa mga gumagamit ng booster pump na sumunod sa detailed plan na ibinibigay ng Primewater.

Isa raw kasi ito sa dahilan kung bakit humihina ang suplay ng tubig.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *