Problema sa COVID- 19 lalong lumala ngayong 2021 kumpara noong isang taon

CAMARINES NORTE- Lalong lumala ang problema sa COVID- 19 ngayong 2021 kung ikukumpara ang sitwasyon nito noong nakaraang taon.

Batay sa datos ng Provincial Health Health Office as of June 14, 2021 umabot na sa 676 ang kabuuang kasong naitala sa lalawigan ng Camarines Norte hindi pa kasama ang isang bagong kaso mula sa bayan ng Daet kaya’t aabot na ito ngayon sa 677.

Ngayong halos kalahatian pa lamang ng Hunyo ay naitala ang nasa 263 aktibong kaso kumpara sa zero case sa kaparehong panahon noong isang taon.

Paliwanag ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco hindi lang naman sa lalawigan ng Camarines Norte mayroong ganitong problema.

“Hindi lang naman ang probinsiya ng Camarines Norte ang may ganitong problema ano, yung ibang probinsiya ganito rin po ang kanilang suliranin,” ani Francisco.

Sa kabila nito hindi naman daw sila tumitigil para solusyunan ang problemang dulot ng pandemya.

Umapela rin ito sa publiko na sundin ang mga umiiral na health protocols bilang pag- iingat sa COVID- 19.

“Sabi ko nga hindi natin pupwedeng sasabihin na pagod na tayo o huminto sa pag bibigay ng solusyon dito sa COVID- 19 natin, so again suportahan po natin yung bida plus, yung huwag umalis sa bahay kung wala namang importanteng pangangailangan sa labas, laging magsuot ng face shield at face mask, laging maghugas ng kamay, alcohol o sabon na may tubig tapos po yung social distancing o physical distancing na ating ipa  practice araw- araw.”

Kasabay nito ay hinimok ni Francisco ang publiko na kumuha lang ng mga tamang impormasyon mula sa Department of Health (DOH) at PHO  sa gitna ng paglipana ng mga fake news.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *