Profiling sa mga child laborer para mabigyan ng livelihood kits ng DOLE Region 2, nagpapatuloy

Nasa 7,666 ang kabuong bilang ng naitalang child labor ng Department of Labor and Employment Region 2 ngayong taon na kasalukuyan nang isinasailalim sa profiling sa ilalim ng Child Labor Prevention and Elimination Program.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DOLE Region 2 Information Officer Chester Trinidad, inihayag niya na malaking bilang ito ng naitalang child laborer sa rehiyon kung saan pangunahing dahilan ang nararanasan pa ring kahirapan ng bawat pamilya na pinalala pa ng pandemiya.

Pinakamarami ang mula sa lalawigan ng Isabela na may 42%; 32% sa Cagayan; 20% sa Nueva Vizcaya; at 6% naman sa probinsya ng Quirino. Mula aniya sa naturang bilang, mayroon ng 300 na child laborer ang natapos ng i-profile ng ahensya.

Bagaman kakaunti palang ang naisailalim sa profiling dahil sa quarantine restrictions na ipinatupad ng mga lokal na pamahalaan bunsod ng COVID-19 umaasa naman siyang matatapos ang pagsasagawa nito bago matapos ang taon.

Ayon kay IO Trinidad, mayroon silang itinalagang 29 enumerators kung saan 12 sa Isabela, 9 sa Cagayan, 6 sa Nueva Vizcaya at 2 sa Quirino katuwang din ang mga LGU.

Paliwanag pa niya, pagkatapos maisalalim sa profiling ang mga benepisaryo ay maari nilang i-refer ito sa mga serbisyo at programa ng DOLE para mabigyan ng livelihood kits o starter kits na akma sa kanilang kakayanan.

Maari rin silang i-refer sa mga programa ng national government agencies. Sinabi pa ni IO Trinidad nasa edad 10 hanggang 12-anyos ang naitatala nilang nasasangkot sa child labor at ilan sa mga ito ay nag-aaral.

Batay aniya sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga magulang ay dahil sa labis na kahirapan kung kaya’t napipilitan silang pagtrabahuhin ang kanilang mga anak. Ayon pa kay IO Trinidad, patuloy ang pagsusulong ng ahensya ng mga programa na makatutulong sa bawat pamilya upang maiwasan ang child labor at maiprayoridad nila ang kanilang pag-aaral.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *