PRRD, nagbigay pugay sa mga frontliners sa anibersaryo ng Battle of Mactan

Nagbigay-pugay si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga frontliners na patuloy na itinataya ang kanilang buhay sa gitna ng COVID-19 pandemic, sa kanyang mensahe para sa ika-500 anibersaryo ng Battle of Mactan.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang video message  na walang takot na nakipaglaban si Lapulapu at ang iba pang mga mandirigma laban sa mga dayuhang mananakop limang siglo na ang nakararaan.

Ayon sa Punong Ehekutibo, inaalala natin ngayon ang kabayanihan ng mga nakipaglaban sa Mactan sa pamamagitan ng pagbibigay pugay sa mga karapat-dapat na tagapagmana ng legasiya ni Lapulapu.

Iginiit ng Pangulo na ang kanyang tinutukoy ay ang mga medical at essential frontliners na patuloy na hinaharap ang panganib na idinulot ng COVID-19, upang tiyakin ang kaligtasan ng kapwa nila Pilipino.

Sa hiwalay na mensahe naman ng Pangulo ay umapela ito ng pagkakaisa sa gitna ng paglaban ng bansa sa pandemya.

Binigyang diin ng Pangulo na ngayon na ang panahon na kailangan natin ipakita ang ating resiliency at palakasin ang ating commitment habang hinaharap ng sama-sama ang pandemya. (RAMAK KOWSARI)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *