PSO Legazpi, binalaan ang mga tricycle drivers sa lungsod ukol sa overcharging at iba pang violations

LEGAZPI CITY – May babala ang Public Safety Office (PSO) Legazpi City sa mga tricycle drivers patungkol sa overcharging sa mga pasahero nito.

Kasunod ito ng mga natatanggap na reklamo na mayroong tricycle drivers sa lungsod na mataas magsingil ng pamasahe kahit na hindi naman kalayuan ang pupuntahan.

Kamakailan kasi ay mayroong nagreklamo na isang driver ang naningil ng P50 sa isang pasahero na galing sa malaking mall sa Brgy. Bitano patungo sa isa ring mall sa Brgy. Capantawan.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PSO Legazpi Chief Rolly Esguerra, sinabi nito na malinaw na overcharging ito at hindi pinahihintulutan ng kanilang tanggapan.

Ayon kay Esguerra, nakapagsumite na ng formal and valid complaint ang complainant at pinahanap na nila ang driver na inirereklamo upang mapanagot.

Binigyang-diin niya, sa ganitong mga kaso maaaring silang maharap sa iba’t ibang multa: PHP3,000 sa first offense samantalang PHP3,000 din sa second offense subalit nanganganib nang ma-cancel ang kanyang prangkisa.

Maliban dito, mabibigat na penalidad din ang kanilang kahaharapin kung nagsama-sama na ang ilan pang mga reklamo tulad ng discourtesy o pambabastos sa mga pasahero, lalo pa kung madiskubreng kolorum ang tricyle, kung saan iiimpound ang kanilang sasakyan at magmumulta ng PHP3,000.

Aniya, hangga’t hindi nababayaran ang multa, obligado pa rin silang magbayad ng daily impounding fee na PHP100.

Panawagan naman ni Esguerra sa mga pasahero, sa mga ganitong uri ng reklamo, unahin ang pagsumite sakanila ng formal complaint upang mabigyan ng karampatang aksyon kaysa ang pag-post sa social media.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *