Pulis na nanutok ng baril at nagbanta sa mag-iitik, kakasuhan

KORONADAL CITY — HINAHANDA na ang kaso laban sa isang pulis na nanutok umano ng baril at nagbanta sa isang mag-iitik sa Barangay Tambak, Lambayong, Sultan Kudarat.

Sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal kay Police Major Jenahmeel Toñaco, OIC Chief of Police ng Lambayong PNP, kinilala nito ang pulis na si Patrolman Richard Panaligan na naka-destino sa Tantangan PNP.

Kinilala naman ang mag-iitik na umano’y tinutukan nito ng baril na si Ramos Pendaton, 28-anyos at residente ng nabanggit na lugar.

Sinabi ni Toñaco na sa kanilang inisyal na imbestigasyon, binabaybay umano ng pulis ang highway nang abutan ang tumatawid na si Pendaton kasama ang mga alagang itik nito.

Ikinairita umano ng pulis ang kabagalan sa pagtawid ng biktima at ng mga alaga nito dahilan upang bumaba ito ng sasakyan at tinutukan umano ng baril ang mag-iitik at pinagbantaan

Naniniwala umano ang biktima na naka-inum ang pulis nang mangyari ang insidente.

Pinasiguro naman ni Toñaco na mananagot ang nabanggit na pulis dahil sa posibleng pag-abuso nito sa kanyang posisyon.

Sa ngayon, nasa kostudiya na ng South Cotabato Police Provincial Office ang nabanggit na pulis.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *