Punong barangay sa Virac, Catanduanes kung saan itinapon ang mga medical waste ng isang laboratoryo, nagpahayag ng pagka dismaya sa mabagal na aksyon ng EMB

BNFM BICOL— Nagpahayag ng pagka dismaya ang punong barangay ng Brgy. Concepcion sa bayan ng Virac, Catanduanes hinggil sa mabagal na aksyon ng Environmental Management Bureau sa pagpapalabas ng investigation report kaugnay ng maling pagtatapon ng mga medical at infectious waste ng isang laboratoryo sa nasabing lugar.

Sa isang panayam, inihayag ni Punong Brgy. Anthony Arcilla na hanggang sa ngayon aniya ay wala pa rin silang natatanggap na tugon sakanilang ipinadalang sulat sa tanggapan ng DENR-Bicol para sa hiling na ‘investigation report’.

Ito na lang kase aniya ang kanilang hinihintay bago tuluyang makapagsampa ng kaso sa ‘Excell Care Diagnostic and Wellness Center’ na siyang laboratoryong nagtapon ng mga medical wastes.

Dagdag pa ng opisyal, bukod sa bayolasyon nito sa pagtatapon ng kanilang mga basura, nakitaan rin ito ng iba pang mga paglabag gaya ng patuloy na operasyon sakabila ng kawalan ng mga kaukulang dokumento at kawalan ng rehistro.

Ganunpaman, pursigido ang konseho ng barangay na sampahan ng kasong paglabag sa R.A 9003 at R.A 6969 ang laboratoryo kahit pa nga kilalang mga doktor umano sa lalawigan ang nagmamay-ari nito.

Matatandaang natagpuan nitong nakaraang buwan sa baybayin ng Brgy. Concepcion ang mga gamit nang PPEs, mga heringgilya, Antigen Test at maging mga test tubes na may lamang blood samples.

Pitong mga bata rin sa lugar ang naiulat na nag positibo sa COVID-19 matapos na paglaruan ang mga nasabing infectious wastes.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *