Q4 National Simultaneous Earthquake Drill 2022, idinaos

Isinagawa ngayong araw ang Fourth Quarter National Simultaneous Earthquake Drill 2022.

Sabayang isinagawa ang mga earthquake drills sa iba’t ibang mga tanggapan ng gobyerno, mga paaralan, at mga opisina sa buong bansa.

Ito ay bilang paghahanda sa iba’t ibang mga scenario na maaaring idulot ng mga pagyanig, kabilang na ang pinangangambahang ‘The Big One’.

Sabay-sabay na nag duck-cover-and-hold ang mga kawani at empleyado ng mga gusaling nakilahok sa pagsasanay.

Pinangunahan naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang seremonya para rito sa Parañaque City.

Dito isinagawa ang isang simulation kung saan ay magti-trigger ng tsunami ang isang magnitude 8.3 na lindol.

Sinanay ang mga dapat gawin ng iba’t ibang ahensya ng Gobyerno kabilang na ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at Philippine Air Force para sa rescue simulation ng mga maaapektuhan ng naturang sakuna.

Ito na ang ikalawang face-to-face earthquake drill na isinagawa ng NDRRMC kasunod ng dalawang taong pandemya.

OCD, NAGPASALAMAT

Lubos ang pasasalamat ng Office of Civil Defense (OCD) sa publiko sa patuloy na suporta nito sa mga inisyatibo ng pamahalaan na may kaugnayan sa kahandaan sa panahon ng kalamidad.

Ipinunto ni CD administrator Undersecretary Raymundo Ferrer na dahil sa mga ganitong hakbang ng pamahalaan, mas magiging aware pa ang mga tao ukol sa panganib na dala ng iba’t-ibang kalamidad partikular ang lindol.

Binigyang diin niya na ang mga ganitong uri ng aktibidad ang isa rin sa mga susi upang mas mapahusay pa nila ang kanilang pagresponde sa mga nangangailangan sa panahon ng kalamidad

Bukod dito, nagpasalamat din si Ferrer sa pamahalaang lungsod ng Parañaque na silang naging host ng nagturang earthquake drill.

Samantala, muli namang hinimok ni Ferrer ang publiko na patuloy na makilahok sa iba’t-ibang disaster preparedness training ng pamahalaan.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *