RBH 7 – isang paraan upang alisin ang pagdududa ng Senado – House leaders

Umaasa ang mga leader sa Kamara na matitigil na ang agam-agam hinggil sa mga ipapasok na proposed amendments sa Saligang Batas ngayong naghain na sila ng bagong Resolution of Both Houses Number 7 na kahalintulad ng tinatalakay sa Senado.

Sa press conference sa Kamara, sinabi ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na ang RBH 7 ay paraan upang maalis ang pagdududa at pangamba na magpapasok ng amiyenda sa political provisions.

Gaya ng Senado, layon aniyang ayusin ang problema sa inamiyendahang Public Service Act.

Tiniyak din ng House leaders na hindi ire-railroad o mamadaliin ang diskusyon sa RBH 7 at gagamitin ang mga resulta ng nagdaang pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments kasama na ang ikinasang road show.

Naniniwala naman si Majority Leader Mannix Dalipe na sakaling mabigo pa rin ang Senado na talakayin ang economic Charter Change ay kailangan nang magkaroon ng “middle ground”.

Sa ngayon, planong pagpasyahan sa plenaryo kung iko-convene ang Kamara bilang Committee of the Whole upang mapabilis ang pagpapatibay sa RBH 7.

Dagdag pa ni Tingog Party-list Representative Jude Acidre, malaking bagay ang pagiging Committee of the Whole upang ang non-members ay makakabahagi sa diskusyon kaya lalawak ang economic Cha-Cha.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *