RD ng PRO 5, tumanggap ng parangal at pagkilala bilang number 1 unit performance evaluation

LEGAZPI CITY – Tumanggap ng parangal at pagkilala si PBGen. Jonnel Estomo, Regional Director ng Police Regional Office 5 sa isinagawang pagbisita ng hepe ng Pambansang Pulisya na si PGen. Dionardo Carlos sa Camp BGen Simeon A Ola.

Iginawad ang pagkilala dahil sa kanyang ipinakitang dedikasyon bilang isang magiting na lider ng kapulisan sa rehiyong Bicol.

Pitong medalya ang tinanggap ni Estomo kung saan ito ay personal na iginawad ni Carlos sa isinagawang seremonya.

Tatlong medalya ng kasanayan ang kanyang natanggap dahil sa pagiging rank number 1 ng PRO5 sa Unit Performance Evaluation Rating (UPER) para sa buwan ng Mayo, Agosto, at Setyembre nitong nagdaang taon 2021, at apat na medalya ng kasanayan dahil sa pangunguna nito sa Individual Commanders Evaluation Rating (ICER) sa buong bansa noong buwan ng Mayo, Hulyo, Agosto at Setyembre ng nakaraan ding taon.

Nagsimulang manungkulan si Estomo bilang Regional Director ng PRO5 noong Abril 23, 2021, kung saan dito niya ipinamalas ang kanyang kakayahan at matinding pagnanais na gawing mas ligtas at tahimik ang rehiyong Bicol.

Ibinahagi rin nya ang hangaring magampanan nang maayos ang tungkulin ng bawat miyembro ng PNP sa rehiyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng extraordinaryong serbisyo na nakikita, napapahalagahan at nararamdaman ng mamamayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *