Regional HVT patay nang manlaban umano sa buy-bust operation sa Pili Camarines Sur

NAGA CITY—Patay nang manlaban umano sa operasyon ng mga Pulis ang 37-anyos na lalaking tulak umano ng iligal na droga sa Pili, Camarines Sur.

Kinilala ang nasawing suspek na si Julian Parlero Fornoles, residente ng Barangay San Jose, Iriga City.

Ayon kay PLtCol. Bogard Arao, Chief of Police ng Pili MPS, dakong alas-3:50 ng hapon nitong Lunes nang makipagtransaksyon si Fornoles sa pulis na nagpanggap na buyer sa Barangay La Purisima Pili. Nagawa aniyang makabili ng poseur buyer ng hinihinalang shabu sa halagang P300K , pero nang akmang aarestuhin na ang suspek ay agad umano itong bumunot ng baril saka pinaputukan ang mga nakaabang na operatiba.

Sinawimpalad si Fornoles na nagtamo ng dalawang tama ng baril matapos gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Narekober sa pinangyarihan at posisyon  ng suspek ang isang kalibre 45 baril, dalawang magazine na karagado ng mga bala, isang plastic sachet laman ang pinaniniwalaang shabu at isa pang plastic bag na may laman ding iligal na droga.

Dagdag pa ni Arao, tinatayang aabot sa P2,040,000.00  ang kabuuang halaga ng shabu na nasamsam sa pangunguna ng PNP Regional Drug Enforcement Unit at ng Pili MPS.

Ang napatay na suspek ay ikinokonsidera na High Value Target ng PNP Bicol.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *