Reklamo vs. pribadong paaralan sa Partido Area, kumakalat online; Paaralan wala pang reklamong natatanggap

CAMARINES SUR- Kumakalat ngayon online ang reklamo sa isang pribadong paaralan sa Partido Area kung saan nakadetalye ang umano’y hindi pagbibigay ng ipinangakong scholarship sa mga estudyante.

Nakasaad sa facebook post na bago pa man sila makapasok sa naturang paaralan, may nag-recruit umano sa kanila at ang ginagamit nitong paraan upang mahikayat ang mga estudyante na pumasok at mag-enroll ay ang Tertiary Education Scholarship (TES) na ibinibigay ng paaralan. Isang libo lang ang unang hinihingi sa kanila at may kasama pang promisory note para makapag-exam. Kalaunan, lumaki na nang lumaki ang kanilang binabayaran at wala pa rin silang natatanggap sa ipinangakong TES ng paaralan.

Nakumpirma ng Brigada News FM Naga sa isang 2nd year student na isa rin sa mga nahikayat na pumasok sa paaralan dahil sa TES na totoong wala pa itong naipalalabas na scholarship simula pa noong unang taon niya dito.

Samantala, sinubukan naman ng BNFM Naga na kunan ng pahayag ang nasabing paaralan ngunit tumanggi muna itong magbigay ng impormasyon dahil anila’y wala pa naman silang natatanggap na pormal na reklamo ukol dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *