Romualdez, kumpiyansang magbubukas ng oportunidad sa agrikultura ang bagong kalihim ng DA

Kumpiyansa si House Speaker Martin Romualdez na magagamit ng bagong kalihim ng Department of Agriculture ang malawak nitong kaalaman at background sa pribadong sektor tungo sa pagpapaangat ng agriculture at fisheries sectors sa bansa.

Ayon kay Romualdez, maraming maiaambag ang innovation, efficiency, stratehiya at pagiging competitive na dala ng pribadong sektor sa sandaling mapagsanib-puwersa sa gobyerno.

Naipamalas aniya ni Secretary Francisco Tiu Laurel ang potensyal ng private enterprises sa pagsusulong ng food security, paglago ng ekonomiya at pag-usbong ng teknolohiya sa agrikultura.

Tiwala rin si Romualdez na makatutulong ang firsthand experience ni Laurel sa management ng large-scale operation lalo na sa usapin ng supply chain, market demand at global trends.

Sa pamamagitan nito ay maitataguyod umano ang partnerships sa pagitan ng gobyerno at private entities na higit sa negosyo ay maipapaabot ang economic growth sa grassroots level upang maramdaman ng ordinaryong Pinoy.

Dagdag pa ng House Speaker, parehong nauunawaan ni Laurel ang pagbalanse sa kikitain at kapakanan ng publiko kaya aasahan ang mga polisiya na magkakaloob ng patas na kompensasyon sa mga magsasaka at mangingisda, access sa modernong teknolohiya at oportunidad sa kaunlaran.

Umaasa naman si Romualdez na masusundan ng bagong kalihim ang nasimulan at ang umano’y solidong pundasyon na iiwanan ni Pangulong Bongbong Marcos sa DA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *