Romualdez, pinulong ang sovereign fund managers ng iba’t ibang bansa

Nagbukas ng pintuan para sa ugnayan at kolaborasyon ang pakikipagpulong ni House Speaker Martin Romualdez sa mga manager ng nangungunang sovereign fund at pangunahing leaders ng ibang bansa sa ginaganap na 2024 Annual Meeting ng World Economic Forum sa Davos, Switzerland.

Pinangunahan ni Romualdez ang delegasyon ng Pilipinas sa taunang pulong ng WEF na ang layunin ay makahikayat ng dagdag na foreign investments sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund.

Ito’y upang magpatuloy umano ang pag-angat ng ekonomiya at makalikha ng mapapasukang trabaho para sa mga Pilipino.

Kasama sa mga prominenteng opisyal na nakaharap ng House leader sa sidelines ng WEF ang Chief Executive Officer ng State Oil Fund of the Republic of Azerbaijan o SOFAZ na si Israfil Mamadov.

Ang SOFAZ ay may asset na nagkakahalaga ng 53.437 million dollars at natanggap ang United Nations Public Service Award para sa Improving Transparency, Accountability at Responsiveness in Public Service noong 2007.

Nakipagpulong din si Romualdez sa chairman ng Singapore state investment firm na Temasek Holdings Limited, Swiss counterpart o Parliament of Switzerland at Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh.

Naniniwala si Romualdez na ang palitan ng ideya, best practices at insights sa management at investment policies sa sovereign wealth fund ay makatutulong sa pagnanais ni Pangulong Bongbong Marcos na gamitin ang MIF para sa paglago at pag-unlad ng bansa.

Para sa Speaker, ang mga ugnayang ito kasama ang policymakers ay patunay na isang magandang plataporma ang WEF para sa kolaborasyon sa pagtugon sa global issues at upang harapin ang mga hamon ng iba’t ibang bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *