Senadora, pinababawi sa DOTR ang itinakda nitong “deadly deadline” sa PUVM

Pinatitigil ni Senadora Imee Marcos sa Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) ang pananakot sa mga jeepney drivers tungkol sa deadline, suspensyon at pagbawi ng mga prangkisa.

Ito ay alinsunod sa napipintong Public Utility Vehicle Modernization (PUVM) sa buong bansa na ang consolidation ay tatagal lang hanggang sa darating na December 31.

Ayon kay Marcos, dapat maawa ang gobyerno sa mga tsuper, operator, commuter, trabahador, estudyante at maging maliliit na negosyanteng tanging umaasa lang sa jeepney.

Pagpapaliwanag din ng senador, batid niyang maganda ang layunin ng pagsasagawa ng PUVM sa bansa ngunit hindi pa umano ito kaya sa kasalukuyang hirap ng buhay ngayon.

Dagdag pa niya, wala ring trade-in value sa mga lumang sasakyan at kakarampot lang ang kinikita ng mga namamasada na minsan ay napupunta pa sa pambayad nila sa mataas na presyo ng gasolina.

Kaugnay nito, patuloy siyang nanawagan sa DOTr na bawiin na ang “deadly deadline” ng PUVM at ibalik na sa malawakang pagpupulong at konsultasyon sa lahat ng mga operator, drayber at commuter ang pagresolba rito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *