Sikat na coffee shop, nag-sorry matapos ang isyu sa “senior citizen discount”

Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng coffee chain na Starbucks sa publiko matapos kumalat ang advisory nito na naglilimita sa diskwento para sa senior citizens at persons with disabilities.

Sa pagdinig ng House Ways and Means Committee, sinabi ng Operations Director ng Starbucks Coffee na si Angela Cole na kinikilala nila ang pagkakamali at ipinag-utos na ang agarang pagtanggal sa signage sa lahat ng stores nito.

Nakasaad sa naturang signage na simula January 15, 2024 ay lilimitahan na ang 20 percent discount para sa senior citizens at PWDs sa isang food item at isang drink.

Pero paliwanag ni Cole, ang signage na hindi rin umano tama ang pagkakasulat ay tugon sa tanong ng kanilang kawani ukol sa “suggested approach” kung paano ipatutupad ang diskwento.

Gayunman, hindi tinanggap ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na “sorry lang” ang maibibigay ng Starbucks kaya humirit ito ng buy-one-take-one offer sa mga senior citizens at PWDs bilang ganti sa pagkakamali.

Giit ni Salceda, masyadong mapagpatawad ang mga Pilipino ngunit nais nitong makita na nagsisisi ang Rustan’s Coffee Corporation na siyang licensee ng coffee chain kaya pag-aaralan nilang makasuhan ito.

Pangako naman ng kumpanya, ipararating sa mga principal ang panawagan ni Salceda.

Samantala, lumabas din sa pagdinig na nagkaroon ng violation ang Goldilocks dahil umano sa paglimita ng 20 percent discount sa slice ng kanilang cake.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010) at Republic Act No. 10754 (Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs), binibigyan ang seniors at PWDs ng 20 percent discount bukod pa sa exemption sa 12-percent value-added tax (VAT) sa ilang produkto at serbisyo.

Idinagdag pa ni Salceda na isusulong ng kanyang komite ang remedial legislation upang tugunan ang kalituhan at gaps sa implementasyon ng batas at diskwento na nakasasakop sa PWDs at senior citizens.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *