Social media post tungkol sa umano’y ‘side vent’, pinabulaanan ng Camalig MDRRMO at PHIVOLCS

LEGAZPI CITY – Pinabulaanan ng Camalig Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO) at ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang kumakalat na post sa social media na mayroon umanong side vent ang Bulkang Mayon.

Sa ipinalabas na pahayag MDRRMO, tinawag nila itong ‘false and misleading’ sapagkat walang ibang nilalabasan ng mga material mula sa bulkan tulad ng lava at gases, kundi ang sa tuktok o bunganga nito.    

Kanila ring isinaad na sa buong naitalang kasaysayan ng bulkan, hindi ito kailanman nakitaan ng side vent.

Dahil dito, pinaalalahanan ng tanggapan ang publiko na huwag basta-bastang maniwala sa mga nakikita online upang maiwasan ang pagkalat ng fake news.

Samantala, tulad ng pahayag ng MDRRMO, sumasalungat at pinapabulaanan din ni PHIVOLCS Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis ang kaparehong social media post tungkol sa side vent.

Sa caption ni Alanis sa nasabing post, sinabi niya na hindi ito totoo sapagkat ang usok na namataan sa bandang baba ng bulkan ay dulot ng lava front collapse.

Wala umanong side vent sapagkat mula lamang sa summit crater ang lahat ng mga lumalabas na volcanic materials ayon kay Alanis.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *