Solon hinimok ang NBI at CHR na imbestigahan ang red-tagging sa mga community pantry organizers

Hinimok ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang umano’y ‘red-tagging’ sa mga organizers ng mga community pantry.

Sa ilalim ng House Resolution No. 1725, igiiit ng mambabatas na nagsara ang ilang community pantries sa bansa dahil sa takot na baka ma-red tag ang mga organizers at volunteers.

Aniya ilan sa mga community pantry na ito ay mula umano sa kanyag lungsod.

Sinabi ng kongresista na sa Cagayan de Oro City, may nagsarang community pantry matapos i-red tag at i-harass gamit ang leaflets na ipinakalat dahilan para matakot ang organizer para sa kanyang kaligtasan.

Bukod dito, mayroon din umanong isang Muslim na negosyante sa Cagayan de Oro ang nagreklamong may ilang indibidwal na nagpakilalang mga pulis ang nagpunta sa kanyang bahay at nagsagawang profiling matapos syang magtayo ng community pantry sa labas ng kanyang restaurant.

Mababatid na una nang isinara pansamantala ni Anna Patricia Non ang operasyon ng Maginhawa community pantry sa Quezon City dahil sa takot na ma-red tag at ma-harass matapos mag-share ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng posts na nagkokonekta sa community pantries sa mga maka-kaliwang grupo. (VELLA GONZAGA)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *