Sorsogon, isa sa 3 lalawigan na hiniling ng mga doctor na isailalim muli sa ECQ

SORSOGON CITY – Naalarma sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa rehiyong Bicol sa nakaraang dalawang buwan, hinimok ngayon ng Phil Medical Association (PMA) at Phil College of Physicians (PCP) ang pambansang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Infectious Disease (IATF-EID) na ilagay muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Sorsogon at Sorsogon City.

Kabilang din dito ang mga lalawigan ng Albay at Camarines Sur at maging mga lungsod ng Legazpi at Naga.

Sa ipinadalang joint letter ng dalawang grupo ng mga doktor, umapela ang mga ito kay DILG secretary Eduardo Aṅo na mamagitan sa pag-uprade ng quarantine classification ng mga nabanggit na lalawigan at lungsod kung saan ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 ay nakakaalarma.

Aniya, ilagay muna ang mga nabanggit na lugar sa ECQ ng hindi bababa sa dalawa hanggang sa apat na linggo, upang mapalakas  nila ang kanilang hanay at mabigyan ng panahon at pagkakataon ang mga frontliners at ospital na mahabol ang dumaraming bilang ng Covid-19 cases.

Inilarawan ng PMA-Bicol ang kasalukuyang sitwasyon ng Covid-19 sa Bicol ay ‘’untenable’’ o hindi mapigilan at matatagalan. Maliban pa rito,  may tatlo lamang na referral hospital na kinabibilangan ng BRTTH sa Albay, BMC sa Naga City at ang Bicol General Hospital and Geriatric Medical center (BRGHGMC) sa Cabnusao, Camarines Sur; ang mga ito umano ay nauubusan na ng kama, ICUs at maging ang isolation bed.

Dagdag pa ng mga doktor, umaabot sa average na 183 na kaso araw-araw ang naitatala sa Bicol mula sa Sorsogon, Albay at Camarines Sur na may pinakamaraming kaso.

Ayon pa sa mga ito, mataas na rin ang rate ng impeksyon sa mga health workers at frontliners kung saan ang mga ospital ay nag-ooperate na lamang sa 50 percent capacity dahil nabawasan ang kanilang mga kawani at tauhang medikal.

Sinabi pa ng PMA-Bicol na kung hindi matutugunan ang sitwasyon, ang nangyari umano sa bansang India ay hindi malayong mangyari  sa kanilang hanay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *