Sorsogon, nakapagtala ng higit 20 kaso ng dengue mula Enero hanggang Abril

SORSOGON CITY – Umabot sa 27 ang kaso ng dengue na naitala ng Department of Health-Bicol sa lalawigan ng Sorsogon mula Enero hanggang Abril 17 nitong taon.

Naitala rin ang isang pagkamatay sanhi ng nasabing viral infection.

Ayon sa datus, halos 75.49% ang ibinaba ng kasong dengue sa buong rehiyong Bicol na umabot lamang sa 264 kumpara sa 1,077 na kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Pinakamaraming kasong naitala sa Camarines Sur (96), sumunod ang Camarines Norte (76) at Catanduanes (39). Ang Sorsogon ay sinundan ng Masbate (15) at Albay 10). May naitala ring isang pagkamatay sa Camarines Sur at Masbate.

Inihayag ni Dengue Regional Coordinator Maita Mortega na nag-ambag ng malaki ang Covid-19 pandemic sa pagbaba ng kaso ng dengue dahil sa pagpataw ng mahigpit na mga alituntunin sa kwarantina kung saan nailayo sa pugad ng dengue ang tao lalo na ang nasa vulnerable groups na edad 6 hanggang 10 taong gulang.

Paalala naman ng DOH-Bicol na kahit bumaba na ang kaso ng dengue sa ngayon, palaganapin pa rin ang 4S strategy o ang search and destroy, self-protection measures, seek early consultation at say no to indiscriminate fogging.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *