Speaker, sisikaping maibaba ng hanggang kinse pesos ang presyo ng bigas sa susunod na buwan

Kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez na target nilang maibaba ng sampung piso hanggang kinse pesos ang presyo sa kada kilo ng bigas sa merkado sa darating na Hunyo.

Sa ambush interview sa Kamara, sinabi ni Romualdez na pinagsisikapan ngayon sa Kapulungan ang pag-amiyenda sa Rice Tariffication Law upang maibalik na sa National Food Authority ang kapangyarihan na makapagbenta ng mas abot-kayang bigas.

Mismong si Pangulong Bongbong Marcos aniya ang nag-utos na pababain ang presyo ng bigas sa mga pamilihan kaya nais nilang NFA na ang magbenta ng target price range sa publiko.

Ipinanawagan din ni Romualdez na madaliin na ang pag-amiyenda sa RTL habang makikipag-ugnayan ang Kamara sa tanggapan ng Pangulo upang masertipikahan bilang urgent ang panukala.

Ibig sabihin, hahabulin itong maipasa bago ang sine die adjournment ng Kongreso ngayong buwan.

Para sa House Speaker, mananatili ang misyon na gawing posible ang pangakong beinte pesos kada kilo ng bigas ngunit sadyang mataas ang presyuhan sa world market.

Gayunman, ang “end goal” aniya ay maibaba ang presyo ng bigas upang mabawasan ang nararanasang hirap ng mga Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *