Step 2 registration para sa National ID aarangkada na sa lalawigan ng Camarines Norte simula ngayong araw

CAMARINES NORTE- Aarangkada na dito sa lalawigan ng Camarines Norte simula ngayong araw, June 7, 2021 ang Step 2 o registration proper para sa Philippine Identification System o PhilSys.

May mga designated Registration Centers sa bawat munisipyo at mayroong mga nakatalagang Registration Teams na binubuo ng Center Supervisors, Kit operators at Screeners.

Sa isang pahayag sinabi ni Camarines Norte PSA Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao na mayroong dalawang registration centers dito sa Daet na matatagpuan sa Municipal Hall at sa PSA Provincial Statistical Office, gayundin sa bayan ng Labo na matatagpuan naman sa Barangay Gumamela at Bagong Silang 1, para sa south road barangays.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang magpaparehistro para sa Step 2 ay ang mga naka- enroll sa isinagawang Step 1 registration noong January 18 hanggang April 30, 2021.

Ang mga ito ay binigyan ng Appointment Slips at nakalagay na rin dito ang Appointment Reference Number (ARN) at QR code na gagamitin sa validation ng appointment.

Bago magtungo sa mga nakatalagang Registration Centers sa kada bayan ay ipapaalam muna sa bawat pre- registered individuals ang kanilang appointment date at oras sa pamamagaitan ng text message na ipiprisenta sa center.

Paalala ng PSA na dapat dalhin ang appointment slips gayundin ang required supporting documents na ini- scan noong Step 1 registration.

Hindi umano pwede ang walang appointment slips at walk- in applicants.

Ang mga hindi naman na- prioritize sa Step 1 Pre- registration ay kailangang mag register online sa register.philsys.gov.ph at hintayin ang text notification para sa appointment schedule.

Bilang pagtalima naman sa health protocols sa mga registration centers mahigpit na ipapatupad ang No face mask/ no face shield policy at magkakaroon ng temperature scanning at available din ang alcohol.

Kailangan din munang mag- accomplish ng Health Survey Form bago papasukin sa registration center at ipapatupad ang social distancing.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *