Sugatang dolphin na napadpad sa karagatang sakop ng Vinzons, Camarines Norte namatay din kinalaunan- PCG

CAMARINES NORTE- Napadpad ang isang sugatang dolphin sa karagatang sakop ng Barangay Aguit-it, Vinzons, Camarines Norte noong Lunes.

Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard, nakita ito ng isang residente sa  lugar na stranded sa dalampasigan na nanghihina dahil sa mga sugat sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.

Tinungo ng mga tauhan ng Coast Guard ang lugar para tingnan at i- assess ang kalagayan ng dolphin.

Dahil sa hindi  paborableng kondisyon ng dagat ay pansamantala itong inihabilin sa kustodiya ng isang Barangay Kagawad na dadalhin pa sana sa brackish water ng Barangay Manlucugan kinaumagahan para sa kaukulang treatment at medication.

Pero dahil hinang hina na ito ay namatay din Martes ng gabi ang dolphin.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagtungo rin sa lugar isa itong uri ng striped dolphin, babae na may habang mahigit dalawang metro.

Hindi na umano nakayanan ng mammal ang stress dahil sa tinamo nitong sugat  sa iba’t- ibang bahagi ng katawan lalo na ang  dorsal fin nito na hindi na nabatid kung ano ang sanhi.

Paliwanag ng tauhan ng BFAR na posibleng napahiwalay ito sa kaniyang mga kasama dahil sa paghahanap ng pagkain.

Kadalasan ring mahina sa sugat ang dolphin kaya madali itong ma- stress.

Umapela naman ang mga awtoridad  sa publiko na huwag sasaktan ang mga dolphin sakaling mapadpad ang mga ito sa baybayin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *