TAMANG PRESYO NG MGA BILIHIN SA ORAS NG KALAMIDAD, BINABANTAYAN NG DTI

Mahigpit ang isinasagawang pagbabantay ng Department of Trade and Industry Isabela Consumer Protection Division sa mga presyo ng pangunahing bilihin sa oras na mayroong kalamidad.

Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DTI Isabela CPD Chief Elmer Agorto, ipinunto nito ang isinasagawang mga inspeksyon upang matiyak na walang labis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa merkado.

Aniya, bawat bayan at siyudad sa probinsya ay mayroong mga negosyo center kung saan sa oras na may kalamidad ay nagsisilbi itong command center upang magabayan ang operasyon ng mga negosyante at maprotektahan ang mga mamimili. Iginiit ni Chief Agorto na ang mga mapapatunayang nagsasagawa ng illegal acts of price manipulation tulad ng hoarding, profiteering at cartel ay papatawan ng parusa dahil malinaw aniyang paglabag ito sa Republic Act 7581 o Proce Act of the Philippines.

Kaugnay dito, nakasaad sa naturang batas ang tamang paglalagay ng presyo ng mga ibinebentang produkto sa pamamagitan ng price tagging, pagkakaroon ng price list at iba pa.

Ang mga mapapatunayan lumabag ay maaaring kasuhan ng administratibo at kriminal kung saan maaaring kaharapin ang mga parusang pagkakulong, suspension ng negosyo at pagbabayad ng multa.

Bukod sa regular na pagmomonitor ng mga presyo ay nagsasagawa rin ang kagawaran ng Diskwento caravan upang makabili ang mga konsyumer ng pangunahing pangangailangan sa murang halaga at maibsan ang mapanganib na pagtaas ng presyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *