Umano’y miyembro ng Conception gang sa Albay, arestado sa Laguna

LEGAZPI CITY – Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Immigration (NBI) Bicol ang umano’y isa sa mga miyembro ng Conception Criminal Gang sa isang construction site sa Canlubang, Laguna.

Kinilala itong si Ruel Cabrillas na naaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong Kidnapping at Murder na inisyu noong Enero 18, 2024.

Kasama rin sa mga sinampahan ng naturang kaso ang napatay na lider na si Gilbert Conception at Boboy Marano na kilala bilang alyas “Vince” at “Bay”.

Ayon sa NBI Bicol, pinaniniwalaan na ang suspek, responsable sa pagpaslang sa magkapatid na contractor na sina Gilbert Quinzon at Glen Quinzon mula sa Tagas, Daraga, Albay na napabalitang nawawala noong Hunyo 2021 at narekober ang chop-chop na mga bangkay nito makalipas ang isang taon.

Maliban dito, tinuturo rin itong nasa likod sa pagpatay at pagpugot ng mga ulo nina Newin Ansay at Marlon Ansay na narekober kasama ng apat pang mga kalansay sa isang killing field sa Libon, Albay.

Samantala, inamin din ng suspek na ginamit niya ang pangalang “Ruel Arrellano” upang hindi matunton ng mga otoridad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *