Umano’y pang-aabuso sa Filipino agricultural workers sa South Korea, nais paimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa Kamara ang umano’y hindi makataong pagtrato sa mga Pilipinong seasonal agricultural workers sa South Korea.

Batay sa House Resolution Number 1343, hinihimok ni Magsino ang concerned committees na siyasatin ang recruitment at deployment ng seasonal agricultural workers sa Korea sa ilalim ng LGU-to-LGU arrangement.

May mga natatanggap umanong ulat ang kongresista hinggil sa hindi magandang working conditions at pagtrato sa mga manggagawa sa naturang bansa.

Kabilang na rito ang limitadong pagbibigay ng disenteng pagkain, sobra-sobrang oras ng trabaho at hindi maayos na lodging facilities na maituturing na paglabag sa contractual terms.

Giit ni Magsino, nakumpirma ang mga paglabag sa labor standard sa nangyaring town hall meeting kasama ang mga leader ng Filipino communities noong Hunyo.

Ipinunto nito na dahil LGU-to-LGU ang kasunduan, hindi sumasailalim sa masusing screening ng Department of Migrant Workers ang seasonal agricultural workers.

Dagdag pa ng mambabatas, bagama’t kinumpirma ng DFA, DILG at DMW na may umiiral na programa ang apatnapu’t anim na LGUs sa Pilipinas ay wala namang inilabas na guidelines para mabantayan ang deployment ng mga manggagawa.

Nakasaad sa “Foreign Seasonal Workers Dispatch Program” na ang layunin ng deployment ng mga Pilipino ay tugunan ang kakulangan sa manpower sa agriculture at fishery sectors sa South Korea sa loob ng tatlo hanggang limang buwan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *