‘Unified pandemic surveillance system’ isinulong ni Sen. Go

Hinimok ni Senador Christopher Bong Go ang mga kinauukulang ahensiya kabilang na ang National Task Force against COVID-19 at Department of Information and Communication Technology na makipagtulungan sa mga pribadong sektor para mas mapaganda pa ang paraan ng pamumuhay sa ilalim ng new normal ngayong may COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Go marami sa private sector ang maayos na nakapag-patuloy ng kanilang operasyon ngayong pandemya sa tulong ng makabagong teknolohiya.

Ayon sa senador maaring makipag-ugnayan ang gobyerno sa mga pribadong sektor upang maibahagi ang pagkadalubhasa nito sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa publiko ng mas mabilis, ligtas at epektibo sa gitna ng health crisis.

Kasama sa mga iminungkahi ni Go ay pagkakaroon ng unified system sa mga case surveillance para hindi paulit-ulit ang pag-fill up ng form ng mga tao sa tuwing pumapasok ito sa iba’t-ibang establisyemento.

Dagdag pa ng Chairman ng Senate committee on health kailangan mapakinabangan kung ano man ang teknolohiya na mayroon ngayon para sa contact tracing, vaccine management, pati na sa documentation ng mga testing results.

Sinabi din ni Go na ngayong nagiging requirement na ang RT-PCR at antigen testing sa pang-araw araw na gawain kailangan magkaroon ng sistema para mastreamline ang pagdocument ng testing results at maiwasan ang mga namemeke ng dokumento.

Leave a Reply

Your email address will not be published.