Vietnamese National na nag-amok sa Pasay City, arestado

Inaresto ng mga awtoridad ang isang Vietnamese National matapos magwala at magsisigaw sa tapat ng isang shopping mall sa Pasay City.

Sa ulat ng Baclaran Substation 5, habang sila ay nagpapatrolya, nakatanggap sila ng reklamo tungkol sa lalaking nag-aamok at nakakaabala sa mga dumadaan sa lugar.

Agad nila itong nirespondehan at sinubukang awatin ang lalaki na sinasabing nakainom ng alak.

Kinapkapan nila ang dayuhan para malaman ang kanyang pagkakakilanlan at doon narekober ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng drug test nito pero hinala nila, nakagamit ng ilegal na droga ang lalaki.

Depensa ng vietnamese, papunta na sana siya ng airport pauwi ng Vietnam pero napainom siya kasama ng mga kaibigan.

Itinanggi niya ang nakuhang ilegal na droga at sinabing hindi siya gumagamit nito.

Mahaharap naman ito sa mga reklamong alarm and scandal at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *