Villa Flor Elementary School sa Cauayan City, binigyan ng starbooks ng DOST Isabela

Binigyan ng Department of Science and Technology (DOST) Isabela ang Villa Flor Elementary School ng Starbook kasabay ng turn over ceremony ng water system project kahapon, November 29, 2021 sa barangay Villa Flor, Cauayan City, Isabela.

Ayon kay DOST Isabela Provincial Director Lucio Calimag, ang star books o “library in the box” ay bahagi ng kanilang Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) project.

Aniya, ito ay nagkakahalaga ng isang milyong piso kung saan laman ng sistemang ito ang mga research output ng DOST, mga kaalaman pagdating sa Health, Education at Disaster preparedness.

Nakalagay na rin aniya rito ang mga module mula sa kindergarten hanggang grade 12 na maaaring gamitin ng mga guro sa kanilang pagtuturo sa mga estudyante.

Maaaring i-access ito aniya kahit off-line o walang internet connection at pwedeng i-upgrade ang laman ng system online.

Isinailalim din sa orientation ang mga guro kung papaano mag-enroll sa system at paano gamitin ang StarBooks.

Ayon kay PD Calimag, tinatayang aabot na sa 1,000 centers ang nabigyan nito sa ilalim ng CEST program ng DOST sa buong rehiyon.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Teacher-in-Charge (TIC) Anabel Dalipe sa DOST dahil sa ipinagkaloob nilang StarBooks na tiyak aniyang magagamit nila sa kanilang pagtuturo sa mga bata.

Aniya, malaking tulong ito sa kanilang paaralan ngayong inaasahang pagsasagawa ng face-to-face classes lalo na’t isa ang Villa Flor ES sa napiling pagdausan nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *