Virtual graduation, iiral pa rin sa katapusan ng school year 2020-2021

Susundin pa rin ng mga paaralan ang virtual at mobile graduation ng mga mag-aaral sa nalalapit na pagtatapos ng school year 2020-2021 ngayong July 12-16 2021.

Ito ang kinumpirma ni Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr ng SDO Cauayan City sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.

Aniya, dahil nagpapatuloy pa rin ang banta ng COVID-19 ay hindi pa pinapayagang magsagawa ng face-to-face graduation ang mga paaralan.

Ito ay bilang pagsunod sa minimum health standards na umiiral lalo na umano ang mass gathering upang maiwasan ang mabilisang pagkalat ng naturang sakit at masigurong ligtas ang mga guro at estudyante.

Dagdag pa niya, kaniya-kaniya na umano ang isinasagawang paghahanda ng mga guro para sa graduation ng mga Grade 6 at Grade 12 maging ang moving up ceremony ng mga Grade 10 na estudyante.

Muli namang pinaalalahanan ni Dr. Gumaru ang mga estudyante na pagtuunan ng pansin ang pag-aaral lalo pa’t iilang araw na lamang ang natitira para sa kanilang 4th quarter.

Habang pinayuhan naman niya ang mga guro na magself-isolate kapag may nararansang sintomas ng COVID-19 upang hindi na mahawaan pa ang kanilang kasamahan sa trabaho.

Nito lamang nakaraang linggo ay may nagpositibong mga guro sa lunsod ngunit tiniyak ni Dr. Gumaru na nasa maayos naman silang kalagayan at nasa mild cases lamang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *