Zubiri: hindi pa kailangan ng Charter Change; isang kongresista, pumalag

Pumalag si Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez sa naging pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi pa napapanahon ang Charter Change sa bansa.

Sinabi kasi ni Zubiri na mas kailangang ipatupad ang batas na nang-eengganyo ng foreign investors sa halip na isulong ang Cha-Cha para amiyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.

Ikinadismaya ni Rodriguez na naging “obstructionist” o balakid na ang Senado sa economic amendments sa Saligang Batas.

Hindi aniya uubra ang pag-amiyenda sa Public Service Act upang baguhin ang constitutional provisions na nagbabawal o naglilimita sa foreign investments.

Punto ng kongresista, paano makapag-a-apply ang mga dayuhang kumpanya na magnegosyo sa ilalim ng amendments ng naturang batas gayong kinuwesyon ito sa Korte Suprema.

Paliwanag pa ni Rodriguez, pangwalo na ang Pilipinas sa Foreign Direct Investments mula sa sampung ASEAN members at nakababahala na naungusan na umano tayo ng Vietnam at Cambodia.

Kailangan na umanong buksan ang ekonomiya upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan, trabaho at buwis na siyang popondo sa social programs.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *