𝗟𝗢𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗚𝗠𝗔𝗠𝗔𝗡𝗘𝗛𝗢 𝗡𝗚 𝗞𝗨𝗟𝗜𝗚𝗟𝗜𝗚, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗠𝗔𝗕𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔 𝗡𝗚 𝗙𝗢𝗥𝗪𝗔𝗥𝗗 𝗧𝗥𝗨𝗖𝗞

Binawian ng buhay ang isang lolo sa Brgy. Aurora, Alicia, Isabela matapos mabangga ng Forward Truck ang kaniyang minamanehong kuliglig kaninang alas-6:30 ng umaga ngayong araw, November 2.

Ang nasawi ay kinilalang si Ernesto Pattung, 66-anyos, magsasaka, at residente ng Aurora, Alicia habang kinilala naman ang drayber ng Forward Truck na si Jeffrey Madrid, 31-anyos, residente ng San Mateo, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Alicia Police Station, napag-alaman na binabagtas ng truck ang pa-silangang direksiyon papunta sa town proper ng naturang bayan.

Mabilis umano ang patakbo ng truck kung saan nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nag-overtake ang truck sa sinusundan nitong dump truck na nag-resulta ng pagkakabunggo sa kuliglig na sinasakyan ngbiktima na nasa shoulder lane.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang lolo at naisugod pa sa pagamutan ngunit idineklara itong dead-on-arrival ng kaniyang attending physician.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Alicia PS ang driver ng truck at mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *