2 kabataan, huli sa pagnanakaw ng kalabasa sa San Pascual, Batangas; 6 iba pa, nakatakas

Arestado ang dalawang kabataan habang nakatakas naman ang anim na mga kasamahan matapos na tinangka umanong magnakaw ng ilang sako ng kalabasa sa Brgy. San Mateo, San Pascual, Batangas.

Kinilala ng San Pascual Municipal Police Station ang dalawang naaresto na sina Mark Ivan Sape, 18 anyos at Joshua Malabanan, 22, pawang mga residente ng Brgy. Poblacion sa naturang bayan.

Nakatakas naman ang kasama ng mga ito na sina Loreto Mendoza y Alvarez, 25; James Galitcha, 21; Jeboy Malabanan y Galitcha, 18; Georgina Plata, 18; Lance Reyes, 19 at isang alyas Ashley.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 5:55 ng umaga noong Biyernes, Setyembre 30, nang maaktuhan ng may-ari na si Klenton Basas, 27, ang mga suspek na sinisilid sa sako ang mga pinamitas na kalabasa.

Agad na kumaripas ng takbo ang mga suspek ngunit nagawang maabutan ng biktima ang dalawa sa mga ito.

Narekober ang limang sako ng kalabasa na nasa 600 kilo ang timbang at nagkakahalaga ng P30,000.00.

Sinabi ng San Pascual MPS sa Brigada na patuloy pang pinaghahanap ang anim na mga suspek.

Nasa kustodiya na ng naturang himpilan ang mga naarestong suspek na mahaharap sa kasong Theft.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *