21-anyos na Batangueña, Gold medalist sa WCOPA 2023

“A one-minute performance can change your life and career, so do your best at all cost.”

Ito ang paniniwala ng isang 21-anyos na Batangueña na tinanghal bilang Semi-finalist, Gold Medalist at Champion of the World Division Winner sa 2023 World Championships of Performing Arts o WCOPA.

Siya si Bianca Isabella Dimaculangan, mula sa Barangay Santol, Mataas na Kahoy, Batangas.

Sa panayam ng Brigada Batangas kay Bianca, ibinahagi nito na ang pagsali niya sa WCOPA ang kanyang kauna-unahang international competition.

Nang ideklara umano siya ang nagwagi sa prestihiyosong patimpalak, tumalon daw siya sa tuwa habang hawak ang watawat ng Pilipinas.

Hindi raw siya makapaniwala na isa siya sa mga magkakamit ng gintong medalya.

Limang taong gulang si Bianca nang madiskubre ng kanyang mga magulang na marunong itong umawit.

Children songs ang kanyang kinahihiligan daw noon na pakinggan sa radyo at kanyang sinasabayan.

Siyam na taong gulang naman si Bianca nang magsimulang mag-voice lesson at doon niya raw nadiskubre na may aking galing nga siya sa larangan ng pag-awit.

Ibinahagi rin ni Bianca na ang pinakamalaking pagsubok na kinaharap niya sa pagsali sa WCOPA ay ang pinansyal.

Sa totoo lang daw, marami siya noong nilapitan, mga kamag-anak, kaibigan at supporters para makaipon.

Aminado siyang hindi ganung kadali ang mag-ipon ng perang kakailangan sa kompetisyon kaya naman, ginawa niya ang lahat.

Kaya naman, lubos ngayon ang pasasalamat ni Bianca sa mga taong sumuporta sa kanya lalong lalo na sa kanyang mga magulang.

Pagdating sa idol, ang icon na si Whitney Houston ang inspirasyon ni Bianca sa pagkanta.

Ito raw kasi ang kauna-unahang artist na kaniyang napakinggan at ang awitin nitong One Moment in Time ang unang kanta na kaniyang inawit sa stage.

Mensahe ni Bianca sa mga kabataang nangangarap din kagaya niya, ito ang mga katagang kanyang sinasabi.

“Believe in yourself, focus on your goal, and do your best at stage.”

Mula sa Brigada News FM Batangas, Congratulations Kababayan!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *