29 crew ng pampasaherong barko nagpositibo sa Covid19; kalagayan ng mga pasahero inaalam na ng Batangas IATF

Mahigpit na binabantayan ng pamahalaang panlalawigan ang nauna nang 29 na crew ng isang passenger rolling cargo vessel na nagpositibo sa Covid19, nakadaong ang barko sa Batangas Port na babyahe patungong Caticlan noong  Agosto 1.

Nagpahayag ng kanyang pagkaalarma si Batangas Gov Dodo Mandanas kung saan inaalam na nito kung ilan o may pasahero ba na nakababa sa Port of Batangas maliban sa 4 na naunang nagpositibo upang matukoy at maagapan sa contact tracing para sa nasabing sitwasyong.

Base sa report ni Dra. Rose Ozaeta, Batangas Provincial Heatlh Officer sa ginanap na Batangas IATF meeting kanina, nabatid na naunang bumaba ng barko ang dalawang crew, isa sa mga ito ay nakaranas ng sintomas gaya ng kawalang ganang kumain at nawalan ng pang-amoy, dumiretso ang dalawa sakay ng isang tricycle sa isang ospital sa Batangas City at dito nagpositibo ang dalawa base sa isinagawang test mula sa ospital.

Dalawa din ang sinasabing bumaba pa ng barko, ang isa ay kasalukuyan nang nasa isolation facility habang ang isa pa ay nasa isa rin ospital sa San Juan, Batangas.

Kaugnay ng naunang apat na nagpositibo ay agad na sumailalim ang may 80-crew ng barko kung saan 25 ang nagpositibo sa Covid19 antigen test na kasalukuyang naka-isolate na sa loob pa rin ng barko na naka-angkorahe naman sa karagatan sakop ng Bauan, Batangas.

Sa kasalukuyan ay inaalam na ng Batangas IATF ang mga naging pasahero ng barko at ang kalagayan ng mga ito.

Samantala, isang resolusyon naman ang nakatakdang ilatag ng Batangas IATF na naglalayon upang ipaalam sa Regional at National IATF ang sitwasyon upang agarang maatasan ang iba pa yunit ng gobyerno nang sa ganun ay magkakasama silang aaksyon ukol dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *