3 lalaking namumutol ng puno ng niyog, arestado sa Bacacay, Albay

LEGAZPI CITY – Arestado ang tatlong lalaki na namumutol ng puno ng niyog sa Purok 4, Brgy. Baclayon, Bacacay, Albay.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Rodel”, 40 anyos; “Roben”, 27 anyos na parehong mga residente ng nasabing barangay, at si “Daryl”, 20 anyos na residente naman ng Brgy. Igang ng nasabing bayan.

Ayon sa report, bandang alas singko ng gabi kahapon, isang concerned citizen ang nag-report sa Bacacay MPS na mayroong tatlong lalaki na nagpuputol ng nasabing puno sa lugar.

Agad itong pinuntahan ng mga kapulisan upang iberipika ang impormasyong nakuha.

Pagdating sa nabanggit na lugar, tumambad sa kanila ang mga suspek at naaktuhang isinasagawa ang nasabing iligal na aktibidad.

Inaresto ng mga pulis ang mga suspek at hinanapan ng kaukulang mga dokumento, ngunit wala namang naipakita.

Narekober sa kanila ang 24 na piraso ng coco lumbers na may magkakaibang sukat, chainsaw at bote ng gasolina.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng nasabing himpilan ang mga suspek kasama ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *