Lalaki sa India, patay matapos kumain ng 50 nilagang itlog

Uttar Pradesh, India- Batay sa pag-aaral na ginawa ng Department of Science and Technology, Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), ang pagkain ng isang itlog araw-araw ay mainam sa ating kalusugan at maayos na pangagatawan dahil ito ay mayaman sa protina, bitamina at mineral at may taglay na fats.

Ngunit katulad ng ibang pagkain, kapag nasobrahan ng konsumo nito, tiyak na ito’y magdudulot ng masama sa ating katawan.

Sa bansang India, partikular sa Uttar Pradesh state, isang lalaki ang binawian ng buhay matapos na subukang kumain ng 50 nilagang itlog ng manok.

Nagsimula ang insidente sa isang pustahan ng biktima na kinilalang si Subhash Yadav at ang kanyang mga kaibigan.

Tinanggap ni Yadav ang hamon ng kanyang mga kaibigan na kumain siya ng 50 nilagang itlog kapalit ng 2,000 rupees o katumbas ng P1,300.

Sa gitna ng kanilang kasiyahan  at pustahan, biglang nawalan ng malay si Yadav nang isusubo na sana nito ang ika 42 itlog.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor.

Ayon sa doktor na nag revive kay Yadav, maaaring over eating o sobrang pagkain ng itlog ang naging sanhi ng kamatayan nito.### JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *