Alkalde ng Balud nagpasaklolo sa PNP, hiniling ang malalimang imbestigasyon sa naganap na masaker sa kanyang mga empleyado

SORSOGON CITY – Hiniling ng alkalde ng Balud na si Ruben Jude Lim ang malalimang imbestigasyon hinggil sa naganap na masaker, kung saan ang mga biktima ay pawang mga empleyado ng LGU at kanyang mga supporters.

Sa nasabing krimen, nasawi dito sina Reynand Navea Villarosa, 34-anyos, binata at Lyn Canones Rubio, may asawa parehong naninirahan sa Brgy Pulanduta habang sugatan naman sina Sonny Ortega Aceron, 24-anyos, binata at ang sibilyan na si Randy Tanes Rubio, 47-anyos, may asawa, kapwa residente ng Brgy Dao.

Batay sa ulat, gabi noong Disyembre 31, habang nag-iinuman ang mga biktima sa isang tindahan sa Sitio Punta Dao, Brgy Dao ng nasabing bayan ay biglang pinagbabaril ang mga ito ng apat na mga armadong lalaki.

Bagama’t lahat ng biktima ay naisugod sa ospital, nasawi sina Villarosa at Rubio habang malubhang nasugatan ang isa pang casual employee na si Aceron at ang sibilyan na si Randy Rubio.

Hinala ng karamihan sa nasabing lugar na ang pamamaril ay kagagawan ng Private Armed Groups (PAGs) dahil wala naman umanong mga kagalit ang mga biktima maliban sa ang tatlo rito ay casual employees ng LGU at kilalang mga supporters ng nakaupong alkalde.

Sa update na nakuha ng Brigada News sa Balud Police, nasa ligtas na kalagayan na ang dalawang survivors habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa nasabing krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *