Biik sa Cotabato, dalawa ang ulo?

Naging usap-usapan ang kakaibang hitsura ng isang biik sa Barangay Bialong, bayan ng M’lang, Cotabato.

Hindi kasi gaya ng pangkaraniwan, dalawa ang ulo ng biik na ikinagulat naman ng may-ari nitong si Eloisa Fame Baliguat.

Sampo umano ang iniluwal ng kanyang inahin, lahat naman maayos at normal maliban sa isang may kakaibang hitsura.

Ayon kay Baliguat, sa tatlong taong pag-aalaga nila ng baboy, ngayon lamang sila nagkaroon ng ganitong biik na dalawa ang ulo.

Pero hindi nagtagal ang biik dahil matapos ang mahigit isang araw ay namatay din ito dahil hindi umano ito dumedede.

Bago ito ay napansin na nilang tila hirap huminga at matamlay ang biik kaya hindi rin sila umaasang mabubuhay ito nang matagal.

Mababatid na hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong isinilang na biik na may dalawang ulo sa bansa.

Taong 2019, nang mapaulat din ang biik na may parehong kondisyon sa Barangay Calian, Tacurong City, Sultan Kudarat.

Sa paliwanag noon ng veterinarian na si Allan Alimajen Jr, karaniwan ang kondisyong ito sa ilang livestock animals at maging sa mga tao na tinatawag na polycephaly.

Nangyayari umano ito kapag nagdikit ang sperm at hindi naghiwalay kung kaya hindi nabuo ang isa pang biik at sa halip ay naging isa ito.

Ngunit madalas ay hindi naman nabubuhay nang matagal ang mga may ganitong kondisyon. || Shiela Madrigalejos

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *